TAXI DRIVER, NAG-AALOK NG LIBRENG SAKAY SA MGA MEDICAL FRONTLINERS

Ipinapakita ng medical frontliners ang kanilang lubos na pasasalamat sa isang taxi driver na nag-aalok ng libreng sakay para sa kanila.

Ayon sa ulat ng GMA News noong Miyerkules (September 15), ito ang pangalawang pagkakataon para sa nurse na si Johnasse Sebastian Naval at ng kanyang nobya na sumakay sa taxi na minamaneho ng driver na si kuya Ariel.

Ipinapakita sa video na kinuha ni Johnasse na nakaupo sila ng nobya niya sa likod habang si kuya Ariel ay may hawak na sign na may nakasulat na “basta frontliner, libre.”

“Nagtataka po ako bakit hindi niya pinipindot ’yung metro. Tapos maganda ko naman sinabi na, ‘kuya nakalimutan niyo po ’ata pindutin yung metro.’ Tapos bigla niya po inangat yung placard,” ang pahayag ni Johnasse.

Ang akala ng nurse noong una ay hindi sila papasakayin ng taxi driver dahil sa diskriminasyong nararanasan ng mga health workers tulad niya bunga ng pandemya.

“Akala ko po, pabababain kami, kasi diba ’yung stigma po ngayon na ’pag frontliner, may mga nababalitaan tayo na pinapaalis doon sa lugar nila, o kaya may diskriminasyon po. So natakot po kami,” ang kuwento ni Johnasse.

Ayon pa sa nurse, sinabi ni kuya Ariel sa kanila na hindi siya maniningil sa mga frontliners.

“Give back daw po nya ’yun para daw makatulong siya, kasi nakikita niya daw po ’yung paghihirap po namin ngayon,” ang salaysay ni Johnasse.

Ang isa pang nurse na si Kate Napoles ay sinabing naging pasahero din siya ni kuya Ariel. Noong araw na iyon, muntik na siyang maiyak dahil sa pagod at walang masakyan.

“Naiiyak na po ako talaga noong time na ’yun kasi sobrang down na kami, ’yung mga health workers wala po kaming masakyan papasok. Nandiyan po siya,” ang kuwento ni Kate.

Samantala, naging pasahero din ni kuya Ariel ang internal medical doctor na si Celito Tamban. Hindi niya makakalimutan ang sinabi ng driver bago siya bumaba ng taxi.

“Ang sabi niya sa akin, ‘doc laban lang. We know na hindi madali ’yung pinagdadaanan ng mga frontliner. Tandaan niyo na may mga taong naniniwala at sumusuporta sa inyo,’” ang salaysay ni Doc Celito.

“Kaya noong instant po na iyon, pagbabang pagbaba ko ng taxi, naiyak po ako,” ang dagdag niya.

Ibinahagi ng mga frontliners ang mga sumusunod na mensahe para kay kuya Ariel.

“Maraming salamat, sana marami ka pang matulungan,” ang sinabi ni Johnasse.

“Sobrang salamat po sa simpleng bagay na ’yon. Nakakataba po ng puso na naa-appreciate niyo kaming mga health workers, lahat po ng mga sakripisyo namin,” ang pasasalamat ni Kate.

“I really pray that the Lord will continue to bless you so that you continue to be a blessing to other people,” ang panalangin ni Doc Celito.

Like and Share!

In case you missed...

No more posts to show

In case you missed...

No more posts to show