HIDILYN DIAZ, PAPUNTANG MALAYSIA BILANG PAGHAHANDA SA IWF WORLD CHAMPIONSHIPS

Ang ating Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz ay patungong Malacca, Malaysia para paghandaan ang 2021 International Weightlifting Federation (IWF) World Championship na nakatakdang maganap sa Tashkent, Uzbekistan sa Disyembre 7.

Makakasama ni Diaz ang kanyang coach na si Julius Naranjo sa kanilang pag-alis ng bansa sa Sabado (October 16). Babalikan nila ang dating pribadong tahanan at pasilidad kung saan ginawa ni Diaz ang kanyang pagpapalakas para sa naganap na 2020 Tokyo Olympics.

Ang pagwawagi sa world title ang nag-iisang major award na hindi pa nakakamit ng ating Olympic champion.

Matatandaang nasungkit ni Diaz ang gintong medalya sa women’s 55-kg weightlifting event sa naganap na Olympics noong Hulyo. Dahil dito, siya ang kauna-unahang atletang Pinoy na nakapag-uwi ng ginto mula sa Olympics.

Nakuha rin ni Diaz ang silver medal sa 2016 Rio Olympics kung saan nakapagtala siya ng kabuuang score na 200. Si Hsu Shu-ching ng Chinese Taipei naman ang nagwagi ng gintong medalya.

Si Diaz, edad 30, ay mayroon ding mga gintong medalya mula sa Asian Games at Southeast Asian (SEA) Games noong 2018 at 2019.

Regular na sumasali si Diaz sa World Championship noong 2015, 2017, 2019 pero nananatiling hanggang bronze medal pa lang ang kanyang nasusungkit.

Noong nakaraang buwan, sinalubong si Diaz kasama ang Olympic bronze medalist na si Eumir Marcial ng “heroes’ welcome” ng bumalik sila sa kanilang bayan na Zamboanga City.

Binigyan ang dalawa ng spots sa Walk of Fame ng lungsod sa R.T. Lim Boulevard. Bukod doon, makakatanggap din sila ng cash rewards mula sa lokal na pamahalaan. Si Diaz ay makakakuha ng P2.5 million habang si Marcial ay P1 million.

Like and Share!

In case you missed...

No more posts to show

In case you missed...

No more posts to show