FACEBOOK, PLANONG BAGUHIN ANG PANGALAN?

Plano ng social media company na Facebook Inc. na baguhin ang kanilang pangalan sa susunod ng linggo. Ito ang inulat ng the Verge noong Martes (October 19).

Batay sa the Verge, plano raw ni Facebook Chief Executive Officer Mark Zuckerberg na pag-usapan ang “name change” sa taunang “Connect Conference” ng kompanya sa Oktubre 28. Posible ring mas maaga pa ang maging pagbabago ng pangalan.

Bilang tugon, ayaw magkomento ng Facebook tungkol sa mga ganitong bali-balita o haka-haka.

Lumitaw ang speculation sa panahon na ang kompanya ay humaharap sa masusing imbestigasyon mula sa US government dahil sa mga aktibidad nito.

Pinuna naman ng mga mambabatas mula sa parehong kampo ang Facebook na nagpapakita ng tumataas na galit ng Kongreso sa kompanya.

Ang rebranding ay maglalagay sa social media app ng Facebook bilang isa sa marami nilang produkto sa ilalim ng isang parent company. Pangangasiwaan rin nito ang Instagram, WhatsApp, Oculus, at iba pang apps.

Hindi rin kakaiba sa mga kompanya ng Silicon Valley na magbago ng kanilang pangalan habang nagpapalawak ng kanilang serbisyo.

Ang rebranding ay nagpapakita rin ng pagpokus ng Facebook sa tinatawag na metaverse. Ito ay isang online world kung saan ang mga tao ay maaaring gumamit ng iba’t-ibang device para gumalaw at mag-communicate sa isang virtual environment.

Malaki ang investment ng Facebook sa virtual reality (VR) at augmented reality (AR) at layunin ng kompanya na makapag-connect sa halos 3 billion users sa pamamagitan ng devices at apps.

Noong Martes (October 19), inanunsyo ng Facebook ang planong makapagbigay ng 10,000 trabaho sa European Union sa loob ng limang taon. Ito ay para makatulong sa pagbuo ng metaverse.

Ayon pa sa the Verge, ang magiging bagong pangalan ng kompanya ay posibleng may kaugnayan sa Horizon. Kamakailan lamang, binago ng Facebook ang VR gaming platform na “Horizon” at ginawa itong “Horizon Worlds.”

Like and Share!

In case you missed...

No more posts to show

In case you missed...

No more posts to show