Boxer na si Eumir Marcia, tiyak na ang bronze medal sa olympics

Pasok na ang ating boksingerong si Eumir Marcial sa semifinals middleweight division sa 2020 Tokyo Olympics. Ito ay matapos niyang patumbahin si Arman Darchinyan ng Armenia sa quarterfinal round ng men’s middleweight division sa Kokugikan Arena noong Linggo (August 1).

Dahil sa pagkapanalo, ang Filipino boxer ay siguradong makakakuha na ng bronze medal.

Kahanga-hanga ang ipinamalas ni Marcial sa kanyang laban kay Darchinyan. Nagsimula siyang magpakawala ng matitinding suntok sa katawan ng katunggali. Kalaunan, nagpakawala si Marcial ng right hook na nagpatumba sa kalabang Armenian at tumapos sa laban. Itinigil ang laban bandang 2:11 sa unang round.

Ipinakita rin ni Marcial sa kanyang huling laban kung paano niyang mabilis na tinalo ang kalabang si Younes Nemouchi ng Algeria sa kanilang Round of 16 na laban. Ipinahinto ng referee ang laban bandang 2:41 sa unang round.

Ang pagwawagi ni Marcial ay binigyan ang Pilipinas ng ikatlo nitong medalya sa nagaganap na Summer Olympics. Ito ay matapos mapanalunan ng ating weightlifter na si Hidilyn Diaz ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics. Samantala, ang isa pang boksingerong si Nesthy Petecio ay sigurado ng makakakuha ng silver medal o higit pa sa susunod niyang laban.

Nagpost naman si Diaz sa Facebook noong Linggo (August 1) para ipakita ang suporta niya kay Marcial.

“Go Eumir! Congratulations,” ang pahayag ni Diaz.”Go for gold. Go, Team Pilipinas. Kaya natin ito. ‘Di tayo susuko. Laban lang Pilipinas.”

“Galing! Kababayan ko ‘yan! Knockout! One round lang!” ang dagdag niya. “Thank God! Marami tayong maiuuwing medalya. So proud of you.”

Nakatakdang harapin ni Marcial si Oleksandr Khyzhniak ng Ukraine para sa semifinals round sa darating na Huwebes (August 5). Kapag nanalo si Marcial sa labang ito, mabibigyan siya ng pagkakataong umabante sa susunod na round para sa gintong medalya.

Like and Share!

In case you missed...

No more posts to show

In case you missed...

No more posts to show